Hindi na kayang lunasan ng tsokolate at kendi ang pait ng pagtanda.
Kahit anong tamis ang idampi ko sa dila, lasang-lasa pa rin ang saklap ng buhay. Walang anumang panghimagas ang kayang bumawi sa maghapong pagal. Mahirap lunukin ang bigat ng kasalukuyan.
Dati, sapat na ang kendi para tumahan. Isang pirasong tsokolate lang, kaya nang limutin ang sakit na nararamdaman. Ngunit ngayong nilamon na ng reyalidad, mas mahirap nang dayain ang sarili.
May mga pagod na hindi naaampat ng asukal. May mga lungkot na kahit nguyain nang paulit-ulit, nananatiling mapakla sa dibdib. At may mga gabing tulad nito—na kahit ilang ulit kong idura,
ayaw pa ring mawaglit ng pait.
—
@roncanimoph
Mababasa raw ang kapalaran ng tao sa kaniyang palad.
Pero paano ang kay Tata Andres na magulo na ang mga linya dahil sa mga hiwa ng palay mula sa dekadang pagsasaka?
Paano ang kay Mang Julio na makapal na ang kalyo sa pagmamaneho at sa pagsalo ng barya sa parehong ruta pa-Maynila?
Paano si Aling Pasing na lapnos ang mga kamay dahil sa mga damit na mariing kinusot gamit ang matatapang na sabong panlaba?
Mahirap basahin ang kapalaran ng mga nasa laylayan. Lalo’t ang pinalalambot lamang ng sistema’y mga palad ng iilan.
@roncanimoph
Paborito naman ako ni Mama.
Kung isantabi man ako ng mundo, inaalala ko lang na may isang taong lagi akong inuuna. Kung pagdamutan ako ng ibang tao, tanda ko ang maraming sandaling inilaan niya sa’kin lahat ng kaniya.
Ang umaga’t gabi, ang hapon at tanghali, hatinggabi hanggang sumikat ang araw muli. Paanong hindi ako mahalaga kung buong buhay niya’y hinehele ang sa akin? Dinig ko lagi ang kaniyang pag-aangkin.
Kaya’t kung isantabi man ako ng mundo, alam kong may espasyo akong mauuwian. Sa kusina niya, sa’king lumang higaan na bagong palit ang kobre-kama, sa lahat ng sulok ng tahanan kung saan naroon siya.
Hindi ako paborito ng mundo,
pero paborito ako ng nanay ko.
—
maligayang araw ng mga ina! 🌸
Maarte ako, pero pagdating sa’yo, tiklop ako.
Nagagawa kong isubo ang kutsarang sumiping na sa’yong dila. Walang pag-alma kung makikihigop sa straw ng sampung pisong gulaman. Walang kaso sa’kin kung dadampian ng halik kahit isda ang ulam.
Kaya ko na nga ring umangkas sa motor, kahit pa ayokong nasasagi ng init ng araw. Ayos lang sa’kin kung pagkatapos ng maghapon, tagaktak ang pawis nating dalawa. Nawala ang kaburgisan ko.
Marahil, ang pag-ibig ay nakakatunaw ng arte. Mas pinipili nating maging lantad sa isa’t isa. Natatabunan ang hiya, sinasakop ng pagkilala. Alam nating kung totoo ang pagtingin, buong-buo tayong tatanggapin.
—
@roncanimoph
Bisita lang tayo rito.
Kung salpukin muli ng higanteng bulalakaw ang mundo, o lumipas ang sandaan pang taon, o sumapit ang sinasabi sa sagradong aklat na takdang panahon, wala ni butil sa atin ang mananatili sa parehong uniberso.
Lahat tayo’y malilimot. Suwerte kung maging kuwento, pero ang maalala pa ng magiging mga bagong tao ay hindi sigurado. Matutulad tayo sa mga ukit, bakas, balangkas na pagmumulan ng pag-aaral. Pagdududahan din ang ating pag-iral.
Bisita lang tayo rito. Maging sa sarili nating tahanan at kahit sa silong ng bawat isa. Kinupkop lang tayo ng langit at lupa—ng kabundukan at karagatan, ng mga puno sa kagubatan—at kung sa wakas ay lilisan, sana’y naranasan nating ganap ang buhay.
Sulitin mo ang kasalukuyan.
@roncanimoph